Here's a poem from me written in my native Filipino language...
Taken from Deringer Photography
(Previously posted on my Facebook account last Novemeber 29, 2016)
Lagi mong tanong sa iyong sarili, "Paano pag pumalpak ako?" Ang tanging tanong ko lang sa'yo, "Paano pag nagtagumpay ka?"
Ang ulang nagbibigay lungkot sa'yo ay nagbibigay buhay sa mga halaman sa iyong paligid. May saysay ang bawat patak ng iyong pawis. May kaginhawaan sa bawat luha na iyong tinatangis. Ang layo mo na sa iyong pinanggalingan, at mas malapit ka na sa iyong paroroonan kaysa sa dati. Ngayon ka pa ba susuko?
Ang pasan ko man ay mundo ko at ang pasan mo man ay ang mundo mo, sana'y malaman mo na ang mundo natin ay hindi nagkakalayo at may pook kung saan ang mundo natin ay nagtatagpo, na may pook kung saan tayo unang nagkatagpo. Sa tuwing nararamdaman mo na ikaw ay nag-iisa, maalala mo sana na lagi kang nasa aking isip at mga panalangin.
Hindi pa tapos ang laban. Hindi matatapos ang laban. Sana'y malaman mo na ang pinakamatindi mong kalaban ay hindi ang mundo, kundi ang iyong sarili. Mayroon pang mas malaki ngunit mas tahimik na giyera na naghihintay sa yo. Kailangan ng mundong ito ang nalalaman mo, ang iyong mga abilidad, ang mga pangako na kaya mong tuparin, at ang mga sakripisyo na handa mong gawin.
Alam kong pagod ka na, kaya bago ka tumakbo ulit ay hayaan mong damayan kita sa iyong pagpapahinga. Magkahiwalay man tayo ng landas, sa tuwing lilingon ka sa iyong pinanggalingan, sana ay maalala mo ako sa mga iniwan kong yapak at marka.
Hindi ka nag-iisa.