Lugmok sa panaginip ang aking panaginip,
sapin-sapin ang mga paghihikahos,
nagkapatong-patong na ang mga panaginip,
wala na ang saysay nito, malabo na.
Naglaho ang mga tinig nito sa bakyum ng kawalan,
walang kabuuhang pag-asa maliban sa kung anong mayroon na,
doon na lang laging nakasandig sa nakagiwaang pagtingin,
wala ng nabago, mas pinaluluma nga ito kapag binabalik-balikang tingnan,
di na marahil makakaigpaw pa sa ganoong uri ng sitwasyon.
Matatamlay na panaginip, sapin-saping mga pangako,
hindi ko sila makita, walang imahe, wala ring retorika,
walang dahilang magpatuloy ang ganitong rendisyon,
wala na ring musika, pipi ang loob ng aking sarili,
busog ito ng nababad na katahimikan ng aking luntiang panaginip,
ngunit tuyo, bitak-bitak na abong-lupa, pinatuyo pa ng tag-init,
ibig ko sanang ako nama'y mababad sa maulan mong panaginip!