"Pabili po ! May kape po kayo?!", wika ng isang batang ginang sa tindahan ni Aling Curdapia
Ay naku ineng kaswerte mo at may natira pa rineng 5 Kipimo brown", wika naman ng tinderang nagkukumahog sa pag-abot ng panindang kape.
"Lima na lang Aling Curdapia!? Kelangan ko po ng 20 piraso at ang dami ko pong bisita", tugon naman ng ginang
"Bakit kasi di ka na lang bumili ng malakihang kape. Heto at meron naman ako. Mas makakamura ka pa pag ganire ang iyong ihahain sa mga bisita mo", pag-uudyok ng matanda
"Aling Curdapia mas maigi pa rin ang 3 in 1 dahil di na ako magtatantya. Kakanawin na lang ng kakanawin sa mainit na tubig", nabubugnot na tugon ng batang ginang.
"O sya sige hayaan mo bukas na bukas pagbukas ng grocery sa bayan magtatambak ako ng kape para dine ka na laang bibili pag emergency. Tignan mo muna kay Ka Pasing kung may mayroon silang Kopimo", hirit ng matandang tindera
"Dun na po ako galing. Wala po. Ubos na rin. Nagkakaubusan ng kape ngayon. O sige ho. Tignan namin sa kabilang sitio baka meron dun.",
Tinanaw na lang ng nanghihinayang na matanda ang naunsyami nyang benta. Bumalik sya sa kanina pa nyang ginagawa. Binilang nya muli ang kinita ng araw na iyon. Malakas ang benta ng kape, asukal, cornik at biskwit kasi.
"Buti talaga ikaw ang binoto ko,"... at nakipagfist-bump si Aling Curdapia sa lalaki na kanyang idolo na nasa isang pahinang kalendaryo. Nakakuyom ang kamao nito na may disenyong watawat ng Pilipinas