Tips sa Paggawa ng Tula | Hive PH Tagalog Poetry Writing Contest

Magandang araw sa lahat ng Filipino Hivers saan mang panig ng mundo!

Narito tayo ngayon upang magbahagi ng iilang tips kung paano gumawa ng tula. Ngunit bago tayo magsimula, ano nga ba ang tula?

Ang tula ay isang anyo ng sining o panitikan na binubuo ng mga taludtod at saknong at naglalayong maipahayag ang damdamin sa pamamagitan ng malikhaing paglalaro o pagbibigay kahulugan sa mga salita. Ang tula ay maaring isulat sa anyong malaya o taludturan.

Sa malayang tula, walang pamantayang sinusunod ang manunulat. Ang manunulat ay malayang magpahayag ng damdamin sa tula ayon sa nais niyang haba, taludtod, saknong at ritmo.

Samantalang ang taludturan naman ay isinasaalang-alang ang mga pamantayan gaya ng haba ng tula, bilang ng saknong, tugma ng mga salita sa bawat taludtod, at bilang ng pantig sa bawat saknong.

Bagama’t marami ang nahihirapan sa pagsusulat ng tula, ito naman ay hindi kasinghirap ng iniisip ng karamihan. Hindi kinakailangan na maging eksperto upang makapagsulat ng tula dahil kahit sino ay malayang magbahagi nito. Ang pagsusulat ng tula ay maaaring mahirap lamang sa umpisa, subalit magiging madali at natural naman ito sa kalaunan. Mahahasa ang ating galing sa panulaan kapag bibigyan natin ng panahon na sanayin ang sarili sa pagsusulat nito.

Upang mapalawig pa ang kaalaman sa paggawa ng tula, narito ang ilang ideya sa pagsusulat nito.

  • Magsimula sa Malayang Tula
    Kung baguhan pa lamang sa paggawa ng tula, maaari mong simulan sa pagsulat sa malayang anyo. Makatutulong sa mga baguhan na maipapahayag ang kanilang damdamin at emosyon kung wala munang pamantayan na isinasaalang-alang. Bigyan muna ng kalayaan ang kaisipan sa paghabi ng mga salita sa gagawing panulaan.

    Kapag sanay na sa pagbahagi ng malayang tula, maaari mo nang subukang laruin ang mga salita at gumawa ng taludturan na ayon din sa nais mong sunding pamantayan.

  • Humanap ng Hugot o Inspirasyon sa Gagawing Tula
    Karamihan sa manunula ay humahanap muna ng inspirasyon bago sumulat ng tula. Mas mararamdaman kasi ng mambabasa ang isang tula kung may hugot ito galing sa may-akda. Gamitin ang mga pangyayari o karanasan na ayon sa paksang iyong napili. Mas magiging natural din ang daloy ng mga salita at emosyon kung ang tula ay may pinaghuhugutan ng inspirasyon.

  • Lagyan ng Emosyon ang Tula
    Malalamang binuhusan ng emosyon ng manunula ang kaniyang akda kung nararamdaman din ng mambabasa ang damdaming nais niyang ipabatid. Mapupukaw ang interes ng mambabasa at makukuha ang kanilang damdamin kung tatagos sa kanilang puso ang binabasang tula at mag-iiwan ito sa kanila ng kakaibang emosyon na magpapamangha sa kanila.

  • Ayusin ang Daloy ng mga Salita
    Ang pagkakaroon ng malawak na talasalitaan ay nagbibigay ng kalamangan sa pagsusulat ng tula. Mahalaga rin na sanayin ang sarili sa paglalaro ng mga salita upang bigyang buhay at gawing masining ang akda. Dito rin malalaman kung gaano kataba ang utak ng may-akda kapag nagawa niyang makabuo ng matalinghagang tula sa pamamagitan ng paggamit ng makahulugan at malalalim na mga salita.

  • Gumamit ng Tayutay
    Ang paggamit ng mga tayutay gaya ng pagwawangis o metapora, paghahambing o simili, paghahalintulad o analohiya, padiwan-tao o personipikasyon, at iba pa ay nakatutulong upang gawing masining ang kahulugan ng tula. Nagiging kapana-panabik din ang tula kung hindi lantad ang paglalahad ng mga salita at napapaisip ang mambabasa sa nakatagong kahulugan na nais ipabatid ng may-akda.
    Alamin ang iba't ibang uri ng tayutay mula sa artikulong ito.

  • Magbasa ng Maraming Tula
    Sa pagbabasa sa tula ng iba, mabibigyan ka ng iba’t ibang ideya sa paggawa ng magandang tula. Malalaman mo rin ang iba’t ibang pamamaraan na maaari mong gamitin upang sanayin ang iyong sarili sa pagsusulat. Hayaan ang sariling matuto sa pagbabasa sa akda ng iba.

    Simulan mo nang basahin ang tulang ito. Kapansin pansin ang sukat at tugma ng bawat taludtod at saknong. Mararamdaman din ang lalim ng emosyon na nais iparating ng awtor.

Iyan ang ilan sa mga mahalagang ideya sa paggawa ng tula. Nais ko ring ipaalala na bago isapubliko ang ating akda, basahin muna natin ito ng makailang beses upang makita kung may mali sa ating isinulat at nang maiwasto ito. Mas nakapupukaw rin ng interes ang paglalahad ng presentableng akda kaya bigyan din ng oras ang pagwawasto nito.

Contest

Ngayong nabasa mo na ang mga tips sa paggawa ng isang tula, nais naming imbitahan ka na ibahagi rin ang iyong tula. Gamit ang mga tips na naririto sa artikulong ito, sumulat ng tula - maaring malayang tula o taludturan.

Gawin nating mas kawili-wili ang iyong pagsusulat sa pamamagitan ng isang contest. Pagkatapos ng pitong araw, pipili kami ng tula na siyang namukod tangi sa lahat. Ang magwawagi ay mananalo ng dalawang linggong delegation mula sa @hiveph na nagkakahalaga ng 100HP. I-post lamang ang link ng inyong mga tula sa comments. Huwag kalimutang gamitin ang tag na #hiveph at ipost ito sa Hive PH Community.

Maraming salamat sa pagbabasa! Aabangan namin ang inyong mga tula. :)

°º¤øº°°°º¤øº¤øº°°°º¤øº°

We are inviting you to subscribe to Hive PH to help with the curation and post promotion.

Don't forget to follow Hive PH trail on hive.vote as well.

Chat and interact with our fellow Filipinos in our discord channel.

Thank you and see you again on our next Curation Post!


H2
H3
H4
3 columns
2 columns
1 column
Join the conversation now
Logo
Center