Isang ordinaryong umaga na naman sa bayan ng Balintawak, pero para kay Caloy, espesyal ang araw na iyon. Katulad ng nakagawiang sistema na paglabas niya sa umaga para mamili ng mga bulaklak at ialay sa puntod ng namatay na asawa. Subalit ngayon ay espesyal ito para sa kanya dahil sa isang taong anibersaryo ng paggunita sa labi ng yumaong asawa.
Kabisadong-kabisado niya ang tatahaking daan patungo sa paroroonan. Araw-araw niya ginagawa ito. Mamimili ng pulang mga rosas pagkatapos ay didiretso sa puntod ng asawa. Tatlong daan at limampu't walong araw na niya ginagawa ang bagay na iyon. At kahit nakapikit siya, hindi siya matitisod sa daraanan. Hindi siya maliligaw kahit pa nakapiring ang mga mata. Nakatatak na lahat sa memorya niya. At memoryado na din ng katawan niya bawat hakbang na gagawin.
Patawid siya mula sa kalsada nang marinig niya ang malakas na busina ng rumaragasang Bus. Nawalan ito ng preno. Narinig niyang sumigaw mula sa likuran ang isang ginang...
"Eeek! Ang bata! Masasagasaan siya!"
Mula sa kinatatayuan ni Caloy papunta sa kinaroroonan ng bata, meron lamang sampung hakbang.
Sampu...
Sampung segundo marahil ang lilipas sa pagtakbo ni Caloy patungo sa kinatatayuan ng bata. Hindi na gaanong kalakasan sa edad na kwarenta'y singko. May iniinda din na pilay sa kanang bahagi ng tuhod.Siyam...
Siyam na buhay ng pusa. Ninais niya na magkaroon din ng ganitong kapangyarihan para sana mas magagawa pa niyang tumulong sa nakararami nang hindi iniintindi ang sariling buhay.Walo...
Walong hakbang mula sa tarangkahan ng bahay nila, nakatapak siya ng ebak ng aso. Hindi niya alintana ang dumi dahil nagagayak siyang lumabas at dumalaw sa sementeryo.Pito...
Pitong araw ang meron sa isang linggo. At sa bawat araw na lumilipas, hindi nawaglit sa isipan niya ang yumaong asawa.Anim...
Anim na beses siyang nagpabalik-balik sa korte para humingi ng hustisya sa pagkamatay ng asawa. At sa anim na beses na iyon, puro kabiguan ang natamo niya.Lima...
Limang daang libong piso na pilit inaabot sa kanya ng may-ari ng kumpanya. Driver ng truck ang salarin. Nakikipag-areglo para lamang hindi maabala. Subalit labis pa sa abala ang naidulot sa kanya nito dahil sa pagkamatay ng asawa. Hindi niya ito tinanggap. Hindi matutumbasan ng anumang halaga ang buhay ng nawalang asawa. At sa pagtanggi niya sa perang ito, ang judge na lamang ang tumanggap.Apat...
Apat na metro ang layo niya mula sa kinatatayuan ng asawa. Nakita niya ang truck ng semento rumaragasa papunta sa kanyang asawa. Nawalan ito ng preno. Nagawa niyang makatakbo sa pinakamatulin niyang makakaya at pinilit abutin ang asawa para mailigtas ito.Tatlo...
Tatlong oras ang itinagal ng operasyon. Ginawa na ng mga doktor lahat ng paraan para maisalba ang kanilang buhay.Dalawa...
Dalawang katawan ang nakahiga sa operating room ng hospital. Ang kanyang asawa at siya. Hindi niya naisalba ang asawa. Nayakap na lamang niya ito para mapeotektahan nang hindi gaanong magtamo ng malaking pinsala. Subalit napaghiwalay din ang kanilang mga katawan nang umilalim ang asawa sa gulong ng trak. Napisak ang babae. Nakaligtas naman siya. Pero tumama ang mukha niya sa bumper ng truck. Ang sinusubukan niyang iligtas na pinakamamahal, siya pala ang maliligtas. Nasipa siya ng asawa matapos nilang magyakap nang mahigpit. Mas iniisip pala ng asawa niya ang kaligtasan niya. Pero kapalit nito, buhay ng pinaka-ibig niya. Wala na ang sinisinta. Isinakripisyo ang sariling buhay para sa kaligtasan niya.Isa...
Isang buhay na naman ang naligtas ngayong araw. Nasagip niya ang bata sa rumaragasang truck. Ayaw na niya maulit ang nakaraan. Ayaw na muli niyang mangyari ulit ang mapait na karanasan. Kaya sa abot ng makakaya, nagawa niyang mailigtas ang bata. Matapos maitabi sa bangketa ang bata, napatakbo siya sa isang eskinita. "Nakita n'yo ba ang nangyari?" "Si Mang Caloy 'un di ba?" "Pero papaanong...?" Napaupo sa kalsada si Caloy. Malayo na siya sa pinangyarihan ng insidente. Kinakapa niya ang pader na kinasasandalan. Dinadama niya kung pamilyar ba ang mga nasa paligid. Inaalam kung ano ang nahahawakan at kung saan ang daan patungong bahay niya. Hindi ito ang nakamulatan niyang daanan. Hindi ito ang nakagawian niyang ruta. Nalilito siya sa paligid niya. Sa pinangyarihan ng insidente, naiwan ang bakas ng ebak ng aso. Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa mga tao kung paanong nangyari ang imposible... at kung si Caloy nga ba talaga ang may gawa. Paanong nagawa ng isang bulag? Subalit hindi makapagsisinungaling ang mga bakas ng ebak ng aso na sariwa pang matatagpuan sa pinangyarihan ng insidente.Bilang ng salitang ginamit : 740
Lubos kong ikinasisiya ang pagsusulat ng maikling-kwento sa wikang Filipino.
Bagama't may kondisyon na kailangang sundin sa paligsahan na ito,
hindi sinasadyang nilabag ko iyon para lamang maibuod sa pinakasimpleng porma nito ang akdang ito. Nirebisa ko na ito mula sa 840 na mga salita at heto ang kinalabasan.
Humihingi ako ng paumanhin kung sakaling ma-disqualify ang aking entry.
Manalo man o matalo, patuloy pa rin akong magsusulat sa wikang Filipino.
Mabuhay!