Isang maikling tula na may hugot mula sa naging karanasan ko sa pagbabantay sa ospital sa aking ama.
Sa pasilyong ito marami na ang dumaan,
mabuting kalusugan hinahanapan ng paraan
at mga hiram na buhay ay inaalagaan.
Nariyan ang mga doktor at mga nars na may nais
mga tao sa ospital masayang aalis
at hindi puno ng hinagpis.
Mga buntis na ang tanging hiling
ay makapagluwal ng masisiglang supling
at sa huli sila’y makapiling.
Ang mga magiging ama’y nagagalak
sa mga bago nilang anak.
Abot langit ang kanilang tuwa’t mangiyak-ngiyak.
Mga bisitang umaasa
na ang kanilang kabarkada o kapamilya
sa ospital ay makalabas na.
Mga pasyenteng gustong gumaling
at ang mga mahal sa buhay ay makapiling.
“Gusto ko na umuwi,” kanilang hinaing.
Nariyan rin si ate, si kuya, si ama o si ina
mukhang namomroblema sa pera.
Pambili ng gamot, paano na?
Minsa'y mayroon akong naabutan
mga magkakapatid nagsisiiyakan
'Yun pala sila'y namatayan.
Saya, poot at lungkot
Sa pasilyong ito’y bumabalot.
Maraming dumaan dito ang gusto'y magamot.
Kaya aking ama, magpagaling ka
at huwag mawalan ng pag-asa.
Dadaan ulit tayo sa pasilyo na masigla't buhay ka.