Mundo ay naghihiyawan sa saya na nadarama. Ang kagalakan ay di mapigilan sapagkat nagbunga ang punong tinanim. Tiyaga, sipag at disiplina ang nagsisilbing tubig at araw para magbunga ang puno ng karangalan.
Isa sa pinakamalaking karangalan na nakamit ni Ryan ay noong nakapagtapos siya ng Salutatorian sa paaralan. Labis ang kanyang tuwa dahil sa wakas nagbunga ang kanyang pinaghirapan. Bago niya nakuha ang isang napakalaking karangalan, sangkatarbang pagsubok ang dumating sa kaniyang buhay. Minsan, gusto na niya talagang sumuko dahil hindi na niya kaya ang mga pagsubok na dumating sa buhay niya. Pero naisip niya na kung susuko siya, wala siyang maabot. Nagpakatatag nalang siya at nanalangin sa Diyos na gabayin siya sa bawat desisyon.
Maraming tao ang humila sa kaniya pababa. Maraming mga masasakit na salita ang binabato sa kaniya. Minamaliit minsan ng mga taong walang magawa sa buhay.
"Naku! Hindi yan makapagtapos! maging katulad lang yan ng kaniyang kapatid na hanggang 'third year highschool lang!"
Sa kabila ng mga salitang ito ay hindi siya nagpapaapekto. Naging pursegido siyang makapagtapos. Napawika sa sarili " Okey lang, sige maliitin niyo ako, makikita niyo rin ang bunga ng puno ng karangalan balang araw."
Nang sumapit na ang araw ng pagtatapos ni Ryan sa hayskul at nabatid sa buong lugar na isang Salutatorian si Ryan, ang mga kapitbahay niya ay napakabait. Pinuri ng husto sabay sabing "Wow, galing ahh!! ang saya ko na kapitbahay kita. Kain mamaya ah?" Batid ni Ryan na nagpanggap lamang ito sapagkat silang lahat, ang mga kapitbahay, ay nahiya dahil minamaliit nila si Ryan. Pinayuhan na lamang si Ryan ng kaniyang ina na hayaan nalamang sila.
Ang karangalang iyon ang nagpapabago sa takbo ng buhay niya. Hindi niya ito ginawa para purihin ng ibang tao, kundi, ginawa niya ito dahil sa kaniyang mga pangarap at dedikasyon na magbunga lahat ng pinagpagoran niya. Gusto niya na hindi mabigo ang mga taong umasa sa kaniya, ang mga magulang niya.
Ang medalya na nakuha ni Ryan ay ang bunga ng Puno ng Karangalan. Ang mga bunga nito'y napakatamis na siguradong hanap-hanapin.
Ang kwentong ito ay hango sa totoong pangyayari. Ako ang nasa kuwento. Gusto kong ibahagi ang kwentong ito bukod sa dahil gusto kong manalo, ay mapupulutan ang aking kwento ng aral. Gusto kong maiparating sa lahat ng bumasa sa kuwento ko na huwag sumuko sa bawat hamon na dumating sa buhay. Sa sinabi pa nga ni Mother Teresa, "God doesn't require you to succeed, he only requires you to try". Maging matatag sa bawat unos sa darating sa ating buhay.
Maraming salamat sa pagbasa
ng aking post.
Nawa'y nagustuhan mo | @ryancalaunan