Literaturang Filipino: "Aking Kabiguan, Iyong Pagtagumpayan"

Noong ika-25 ng Agosto, taong 1973 isinilang si Benjie. Pangalawa sa tatlong magkakapatid na anak nina Mang Ben at Aling Rene. Si Benjie na makulit paminsan-minsan pero responsible at mabait naman. Sila ay nakatira sa isang baryo na kasalukuyang umuunlad. Hindi sila gaanong salat sa kahirapan at hindi rin mayaman kundi katamtaman lamang. Sa ganitong estado ng buhay, kailangang kumayod upang matustusan ang mga pangangailangan. Dagdag pa na ang mga anak ay nag-aaral na sa sekondarya. Napagpasyahan ni Aling Rene na magtayo ng maliit na kainan. Naging maayos naman ang takbo ng kanilang mumunting negosyo. Ngunit isang araw, biglang nagiba ang kanilang buhay nang malaman na kukunin na ang lote na kinatitirikan ng kanilang bahay. Pinaalis sila na walang kahit isang kusing na nakuha. Sa kakaunting naipong pera mula sa mumunting karendirya, muli silang nagtayo ng kainan. Lumago ang kanilang kainan at unti-unting nakabawi hanggang sila ay naging kilala sa baryo.
Ngunit dahil sa naabot ng mga magulang naging kampanti ang magkakapatid lalo na ang panganay. Hindi na ito nagpatuloy sa kolehiyo. Pero hindi natapos ang pagsubok ng pamilya. Humina ang kanilang kita dahil sa pagtaas din ng presyo ng mga bilihin. Dahil dito mas pinag-igi pa ng mag-asawa ang paghahanap buhay upang mapagtapos ang dalawa pang anak. Tumigil sa pag-aaral ng isang taon si Benjie upang makasabay ang mas nakababatang kapatid na magkolehiyo. Pangarap ni Benjie na maging marino ngunit nais naman ng mga magulang na mag-aral ng kursong pagtuturo katulad ng ninanais ng kapatid dahil ito ay mura lamang. Walang nagawa si Benjie kundi sundin ang mga magulang. Natapos nilang dalawa ang kurso ng pagtuturo pero dahil hindi ito ang gusto ni Benjie, dalawang taon pa lang sa pagtuturo ay tumigil na ito. Pinasok niya ang kahit anong trabaho na maaring pasukin.
Hanggang sa nagkapamilya na si Benjie ay patuloy parin itong nakadepende sa mga magulang. Hindi ito umalis sa poder ng mga magulang. Nagkaroon siya ng dalawang anak. Medyo matatanda na rin ang mga magulang ni Benjie pero patuloy paring pinapatakbo ang kainan.
Isang araw hinimatay si Aling Rene. Akala nila dahil lang yun sa pagod at katandaan. Pero yun pala ay sakit na leukemia, kanser sa dugo. Tinigil nila ang negosyo dahil sa takot na baka makahawa ito. Unti-unting nagbago ang estado ng kanilang buhay lalo na nang pumanaw ang ina at sumunod pa ang ama. Nalugmok sa kahirapan si Benjie pati na ang pamilya. Ninais niyang magbalik sa pagtuturo ngunit hindi na kaya sa nagbabagong panahon, ang modernisasyon. Nagsisi siya dahil sa naging desisyon noon, pati naging pamilya niya ay nagdusa ngayon. Kaya sa mga anak na lang niya ipapaubaya ang mga naudlot na pangarap.
IMG_20161002_122342.jpg
"Mga panahong ako'y naligaw,
Ang landas ng bukas ay di ko natanaw.
Saan ba ang paroroonan sa isang katulad?
Daang makakabuti sana'y ipalahad."

IMG_20170219_115924.jpg
"Ngayon ay labis na humihingi,
Nang kapatawaran sa nagawang pagkakamali.
Sana'y wag magaya sa ama,
At hindi maranasan ang naging pait nadama."

Base sa totoong buhay ng aking ama.

H2
H3
H4
3 columns
2 columns
1 column
Join the conversation now
Logo
Center