IGIB

Words
1497
Reading
7 min
Listen
Play
8y

water-1239368_1280.jpg

Dela Paz, Joel Joseph! Magna Cum Laude!

Abot tenga ang ngiti ni Jojo nang marinig ang kanyang pangalan. Halos lumulutang siya sa alapaap habang paakyat ng entablado kasama ang kanyang inang posturing postura para sa okasyon. “Aba, kailangan magandang maganda ako dahil magna con lawde ang anak ko! Para makita ng lahat na sa akin talaga nagmana ng talino itong Jojo ko!” Walang humpay na kwento ng kanyang ina sa baklang abala naman sa pagpapahid ng kolorete sa mukha nito.

Sa wakas! Nakapagtapos na siya ng kolehiyo. Pwede niya nang simulan ang pag-ahon nila mula sa masalimuot na lugar na kanilang tinitirhan. Mula nang magkaisip siya ay doon na sila nakatira sa gusaling iyon na kung titingnan ay parang isang langaw na lang ang hinihintay na pumirma. Ito yung gusaling ipinagkaloob ng gobyerno sa mga tulad nilang iskwater. Halo halo ang mga tao rito. May adik, may tambay, may masipag, may tamad, may sugarol, may lasenggo, may sabungero at kung ano ano pa. Kung saan saang squaters’ area sila lahat nagmula. Kapag nagkakabangayan ang mga magkakapitbahay ay normal nang tanawin ang mga babaeng nagsasabunutan o nagsisigawan, o kaya’s mga lalaking may hawak na ice pick o kaya’s mga grupo ng kabataang nagbabatuhan gamit ang graba sa riles. Nasanay na si Jojo sa ganoon. Tila live na teleserye bawat araw.

Si Jojo ay isang ulirang mag-aaral. Tulad ng normal na mga bata, mahilig sa laro sa kalsada, napapaaway paminsan minsan pero hindi naman nasasali sa mga gulo. Ngunit sa lahat ng mga bata sa kanila, iba ang kanyang pinagdaanan.

Ang nanay niya ang natokang tagasingil ni Aling Chayong na may-ari ng gripong pinag-iigiban ng buong gusali nila. Dati kasi ay may sarili silang linya ng tubig ngunit naputulan ang buong building nang dahil sa hindi ni-remit ng treasurer ng gusali nila ang nalikom na perang pambayad sana sa MWSS. Hindi niya na maalala kung nakita niya bang gumana ang gripo nila sa lababo at kubeta.

Nang minsang inutusan siya ni Aling Soleng na maningil sa kapitbahay nilang si Karding na nakatira sa dulong unit sa third floor ay hindi niya akalaing mamumulat siya sa isang mundong ni sa hinagap ay hindi niya naisip na kasasadlakan niya. Tahimik na tahimik ang bahay nila Mang Karding noon pero nang kumatok siya’t pinagbuksan nito ng pinto ay may kung anong kaba siyang naramdaman. Akala niya ay dahil lamang ito sa sadyang napakamisteryoso ng lalaking bagama’t may katandaan na’y matipuno pa rin ang pangangatawan. Pinapasok siya nito sa bahay. Isa sa mga maling desisyon niya sa buhay na kung kakayanin niyang balikan ay sisiguraduhin niyang hinding hindi siya papasok sa pintong iyon. Ang tanging pampalubag loob na lamang niya ay wala siyang lakas noon dahil siyam na taong gulang pa lamang siya. Bago siya lumabas ng bahay ni Mang Karding ay pinagbantaan muna siya nito. “Huwag na huwag kang magsusumbong dahil alam mo na ang mangyayari.”
Lumuluha man ay nagmadali siyang makauwi sa bahay nila. At dahil sa takot niya, pinahid niya ang luha bago siya makarating sa bahay nila at iniabot sa ina ang pera.

Abala ang ina niya sa paglalaro ng tong its kaya hindi nito napansin ang iika-ika niyang lakad. Mas napansin pa nito ang pasobrang ibinayad ni mang Karding. Animnapu’t limang piso lamang ang bayarin nito ngunit isandaang piso ang iniabot nito sa kanya. Tatlumpu’t limang piso para sa kanyang kamusmusan. Hindi niya alam kung sapat nga aba iyon dahil wala naman siyang ideya sa nangyari sa kanya. Ang tanging alam niya lang ay nasaktan siya at natakot. Hindi na siya bumaba pang muli para ipagpatuloy ang paglalaro ng patintero kahit tinatawag siya ng mga kalaro. Mas ninais niyang magkulong na lamang sa maliit na sulok ng kanilang tulugan.

Makailang ulit siyang pinagsingil ng kanyang ina dahil natutuwa ito sa pasobrang bayad na nakukuha. Wala itong kamalay malay na mas malaki ang nawawala sa kanya sa tuwing pumapasok siya sa bahay ni Mang Karding. Kapag makakahanap ng pagkakataon ay talagang iniiwasan niyang siya ang mautusan ni Aling Soleng.

Nang minsang umuwi siya galing sa eskwelahan ay inabutan niya ang kanyang ina na umiiyak. Pilit nitong itinago ang luha nang mamalayan nitong nasa pintuan na pala siya. Naghain ito ng kanin at nagbukas ng de lata para sa tanghalian nila. Nagpaalam itong magpupunta ng ospital pagkapananghalian dahil nasa ospital ang kanyang ama. Nasagasaan ito sa highway at tinakbuhan ng nakasagasa rito. Ang tatay niya ay kabilang sa grupo ng mga lalaking nagpapanggap na nasagasaan sa highway at manggigipit ng motorista para bigyan sila ng pera. Napuruhan ang tatay nya. Marahil ay lasing ito nang sumabak sa sasakyan. Dagdag gastusin na naman nila iyon. Iniisip pa rin ng ina kung paano ang kapalaran ng pamangkin niyang magdadalawang taong gulang na. Pinangakuan ang ate nya ng nobyo nito na pananagutan ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin nagpapakita ulit sa kanila. Malakas ang kutob niyang hindi na ito babalik pa.

Ilang oras nang umalis ang kanyang ina at ang ate niya naman ay abala sa pakikipagtsismisan sa baba. Naiwan siya sa bahay nila na nag-iisip kung paano ito didiskartehan ng kanyang ina ngayon. Sapat lamang ang kinikita nito sa pagbabantay sa tubig para sa pang-araw araw nilang pagkain. Hindi niya alam kung ano ang pumasok sa isip niya pero namalayan niya na lang na siya’y dinadala ng kanyang mga paa sa dulong unit sa third floor. Sa dinami daming beses na nagpupunta siya doon ay alam niya na kung saan nakatago ang pitaka ni mang Karding. Kumatok siya. Nagtataka man dahil wala naman siyang bayarin ngayon sa tubig ay pinapasok pa rin siya ng lalaki. Luminga-linga pa ang lalaki sa labas bago nito isinara ang pinto.

May lampas isang oras bago bumukas muli ang pinto. Nagmamadaling tumakbo si Jojo. Bitbit ang salawal ni mang Karding at nagkukumahog na dukutin ang pitakang nangangapal sa dami ng lamang pera. Sa isip niya ay sobra sobra pa ito sa panggamot ng kanyang ama, may maibibigay pa siya para sa gatas at diaper ng pamangkin niya. Natigil ang pag-iisip niya pati ang pagtakbo niya nang pabuwal siyang matumba sahagdanan pababa. Isangmalakas na pagputok ang kanyang narinig. Nakaramdam siya ng mabigat na tila pagsuntok sa kanyang likod na siyang tumulak sa kanya patumba. Nawala ang kanyang balanse at padausdos na nahulog sa hagdan. Huli na nang mapansin niya ang dugong umaagos sa kanyang kanang balikat. Nahilo siya sa sakit. Ang huling nakita niya na lamang ay ang mga tsismoso at tsismosa sa kanila at ang anino ni Mang Karding na may hawak na baril.Nakita niya pa ang ate niyang natataranta at hindi magkamayaw kung paano siyang bubuhatin habang hawak ang pamangkin niya. Kadiliman. Katahimikan.

Puro puti ang nakita niya sa paligid paggising niya. Pilit niyang inaalala kung paano siya napunta sa silid na iyon. At naalala niya ang matinding sakit sa bandang balikat niya. Naalala niya ang tinakbuhan niya. Naalala niya ang makapal na pitakang maraming perang laman. Naalala niya kung paano niyang nakuha iyon. Nahintakutan siya. Sinubukan niyang tumayo. Naramdaman niya ang kamay ng nanay niya na umalalay sa kanya. Nagsisikip ang dibdib niya. Sa dami ng pinagdaanan niya ngayong araw ay tila balsamo sa napapagal niyang katawan ang haplos ng kaniyang ina. Kitang kita niya ang pag-aalala dito at nakunsiyensiya siyang nagdulot pa siya ng dagdag na alalahanin. At tuluyan nang dumaloy ang luha sa kanyang mga mata. Niyakap siya ni Aling Soleng para patahanin.

Maya mayang kaunti ay may mga dumating na pulis. Bagama’t natatakot ay isinuplong niya na si Mang Karding. Isinalaysay niya ang lahat ng mga naganap magmula noong unang beses hanggang sa pinakahuli. Gulat na gulat si Aling Soleng sa mga nalaman. Hindi siya nito iniwan hanggang sa makalabas sila ng ospital. Nakalabas na pala ang ama niya ng ospital at balik na naman sa dating gawi.

Pagkalabas niya ay pinaalis na ng kaniyang ina ang ama sa kanilang bahay at nangakong palagi nang gagabay at magtatanggol sa kanilang magkapatid. Wala nang nakatira sa dulong unit sa third floor. Ang huling balita nila ay nahuli na raw si Mang Karding. Hindi niya sigurado kung hanggang kailan. Basta ang alam niya matapang na siya ngayon. Handa na siyang protektahan ang sarili, ang ate niya, ang nanay niya at ang pamangkin niya.

Nagkislapan ang mga flash ng camera. May isang boses na nangingibabaw sa lahat ng nandoon sa harap ng entablado. “Tito Jojo! Dito!” Sabay silip sa camera at nakangiting kinunan ng larawan ang tito niyang tinitingala niya sa angkin nitong talino, sipag, tapang at panindigan.

Siya si Jojo. Ito ang kanyang kwento. Hindi niya na pipiliing maging biktima. Bagkus ay lalaban at hindi susuko sa anumang maaari niya pang pagdaanan. Siya si Joel Joseph dela Paz. Magna Cum Laude. Hinding hindi na paaapi.


Ang kathang ito ay orihinal na gawa ng inyong lingkod at nagmula lamang po sa aking malikot na imahinasyon. Anumang pagkakapareho sa pangalan, lugar, pangyayari o ano pa man sa akdang ito ay pawang nagkataon lamang.

Pinagkunan ng larawan


Maraming salamat sa pagbabasa!



2123526103.gif

IGIB | Ecency