Malapit na. Mag-uumpisa na naman. Ang kalbaryo ng bawat magulang sa mundo. Ang pinaghalong saya, takot at lungkot ng mga bata na mag-aaral. Mag-uumpisa na ang paggising ng maaga upang makapaghanda sa tatahaking kinabukasan. Ang pakikipagdigmaan ng iilan sa pagsakay at pagbiyahe upang makarating sa lugar kung saan makikita ang kaalaman. Malapit nang makita ang mga naiwang alaala sa apat na sulok ng silid. Malapit na ang pagbabalik sa paaralan.
Mag-uumpisa na naman na masuot ang mga unipormeng bagong plantsa dahil nalukot sa pagtago ng halos dalawang buwan. Maisusuot na naman ang sapatos na bagong linis at kumikinang kinang pa. Makakatapak na naman sa lupa ng eskwelahan at makikita na naman ang mga dating kaklase at mga guro na handa nang magturo muli. Tatayo na naman ng tuwid at ilalagay ang kanang kamay sa kaliwang dibdib upang kantahin ang pambansang awit habang nakaharap sa watawat.
Hihinto ang lahat. Sa muling pag-uumpisa ng klase ay marami na namang matututunan ang bawat estudyante. Kasabay nito ang araw araw na pag iisip ng iilang magulang kung paano mairaraos sa pag-aaral ang kanilang mga anak. Ngunit ating tandaan na kaya nating ito kailangang gawin ay upang magkaroon ng magndang kinabukasan ang ating mga anak. At sa mga mag-aaral, tandaan na kaya natin ito ginagawa ay upang sa huli ay makatulong tayo sa ating mga magulang at para magkaroon ng magandang buhay. Malapit na. Malapit na. Malapit na.