Sana Tayo | Maikling Kwento

Words
465
Reading
3 min
Listen
Play
8y

2013-1-14-Depressed-Man-thumb-620xauto-49062.jpg
Photo Source

Sana Tayo
@Kfineee

Nakita kita sa isang sulok.
Naka-upo at parang puputok. Puputok sa sama ng loob. Namumula ang mata at nakakakuyom ang dalawang kamao. Mamaya-maya yumuko ka at pilit kinakalma ang iyong sarili. Ngunit nabigo ka. Kitang-kita ko kung paano sunod-sunod tumulo ang mga luha mo. Kitang-kita ko kung paano ka humagulhol nang iyak. Kitang-kita ko lahat ang mga hinanakit mo. Kita ko.


Dahil nasa likod mo lang ako. Tinitingnan bawat kilos mo. Hindi ko magawang lumapit sayo. Kasi diba, tinaboy mo na ako. Kasi hindi ako ang iyong gusto. Ayaw mo sa akin. Ayaw mo sa pagmumukha ko. Ayaw mo sa presensya ko. Ayaw mo sa mga biro ko. Ayaw mo lahat sa akin. Ayaw mo, dahil gusto mo siya. Yung taong sinaktan ka. Yung taong niloko ka. Yung taong pinili mo.

Tumayo ka, nagtago ako. Natakot ako na baka makita mo ako at magalit ka. Naglakad ka papalapit sa pinagtaguan ko. Tatakbo na sana ako para hindi mo ko makita, pero huli na ang lahat. Dahil nakita mo na ako. Kinabahan ako nang sobra. Parang lalabas ang puso ko sa kaba. Inayos ko ang aking atipara at lakas loob na tiningnan ka.

"Hi" Sabi ko pa. Ngunit hindi ka nagsalita. Nanatili kang nakakatitig sa mukha ko. Yung puso ko, parang sasabog na sa kaba. Magsasalita na sana ako para magpaalam na umalis ngunit bigla kang nagsalita.

"Ano? Masaya ka na?!" Nabigla ako sa tanong mo. Paano ako sasaya kung nakikita kitang nasasaktan.

"Ano ha?! Masaya ka na ba?" Ulit mo sa tanong mo.

Tiningnan kita ng deretso sa mata. Sabay pahayag ng mga katagang...

"Paano ba sumaya?" Seryosong tanong ko. Hindi ka man lang kumurap at sumagot. Tumawa ako nang mapakla at nagpatuloy magsalita.

"Paano ako sasaya kung nakikita kitang nagkakaganyan? Kung nakikita kitang nasasaktan?" Umiwas ka ng tingin sabay pahid ng iyong mga luha. Agad naman akong nahimasmasan sa mga kahibangang pinagsasabi ko. Babawiin ko na sana pero naunahan mo na akong magsalita.

"You can be happy without me Bert. Hindi mo ako kailangan para maging masaya ka. Hindi natin kailangan ang isa't isa para maging masaya. Kung nasasaktan man ako ngayon, wala kang pakialam. At sana huwag ka nang makialam." Prankang pahayag mo sa akin at tuluyang naglakad papalayo.

Hindi na ako nabigla sa mga sinabi mo. Ganyan ka naman sa akin magsalita simula malaman mo na mahal kita. Simula nang makilala mo siya.

Bago ka pa nakakalayo ay nagsalita ako.
"Oo, wala na dapat akong pakialam. Ngunit hindi ko mapigilan ang sarili kong hindi mag-alala. Pasensya na kung imbes na sana pagaanin ko ang loob mo ay nadagdagan ko pa. I'm sorry."
Hindi ko alam kung narinig mo ang mga katagang binigkas ko dahil hindi ka man lang huminto. Hindi ka man lang lumingon.

Nanghihinang napa-upo ako.

Sana Tayo | Maikling Kwento | Ecency