Wala akong magagawa, ano lang ba ako sa iyo,
isang ordinaryo sa tingin mo, isang walang bagay,
walang halaga, walang buhay.
Oo, ikaw na, ikaw na ang lahat,
nasa iyo na ang lahat, bakit ka pa
nagtatiyaga sa aking wala naman ako,
bakit hindi ka ba makahanap ng tuald mo?
Marami ka namang nakakasalamuhang tulad mo, di ba?
Marami ang kauri mo, marami ang katulad mo,
marami silang nasa pedestal ng tulad mo,
bakit ka nagtatiyaga sa akin?
Hindi naman ako hadlang sa iyo, dahil iyon nga,
di ba, ikaw na, ikaw na sa lahat ng bagay,
sa lahat ng nasa paligid na ito ikaw lahat,
bakit ka nga ba nagbabalik pa at ako'y inaalipusta mo pa?
Halos lahat ng panahon ay naroon ako sa iyo,
halos lahat ng oras lagi naman akong maaasahan,
bakit kapag kailangan ko ng pagbabago sa aking sarili,
pinandidirihan mo ako, halos itakwil mo ako!
Siguro nga ganito na lang ang buhay ko sa iyo lagi,
di ko akalaing manggagamit ka pero di mo ako kayang
ayusin, linisin, samantalang bago ka pumasok ng bahay,
tinatapaktapakan mo akong hindi mo man lang akong
ituring na bagay na iyong pinakikinabangan, oo,
ako ang iyong alipin at masunuring basahan!