Hinayaan kong malunod ako sa babala ng kahapon,
hindi ko na ito binigyang-pansin, wala ng halaga,
iniipon ko na lang ang mga sandaling ito ang mga
nalalabing hininga ng aking panghinaharap na buhay,
kasi nga obvious na pansamantala lang naman talaga
tayo dito sa lupa, madalas kapag ikaw ay nasa hustong
gulang na sa pag-iisip, marami ka nang iniisip, hindi lamang
sa sarili mo, sa pamilya, kaibigan, trabaho, at iba pang
hindi matapos-tapos ng agos ng kapalaran.
Sa tuwing ako'y nakatayo dito sa pintuang ito at
nakatanaw ako sa malayo naroon na naman ang
dapithapong nagpapaalala sa iyo ang paglipas ng araw,
hindi naman ito lingid sa karamihan, ngunit ito'y nagpapabigat
sa mga dati ng iniisip mo, makikita mo ang mga bagay-bagay
na nag-iiba na rin, mula sa sarili mo, paligid, mga
trending sa mundo, gadgets, pagkain, at ang iba pang
hindi pa nagagawa ay lagi mo na lang naiisip na baka ganito
at ganoon ang mangyayari na di pa naman talaga nangyari.
Ngunit sino nga ba ang nakakakita ng kanyang dapithapon?